Ang wikang Filipino ay wikang ating binibigkas sa ating araw-araw na pamumuhay bilang isang Pilipino. Ang wikang ito ang syang nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan na tayo ay isang bansang may sariling wika. Nakilala tayo ng mga dayuhan bilang isang bansang mayaman sa wika na kinagisnan na natin sampu ng ating mga ninuno. Wikang ginagamit hindi lamang sa tahanan kung hindi saanmang dako ng ating lipunan at maging sa mga bansang may Pilipinong nangibang-bayan upang maghanap-buhay.
Ngunit sa pagdaan at pagbabago ng panahon na ang teknolohiya ay mas lalong umuusbong o mas nakikilala dala ng ating pakikiisa sa mga dayuhan, tila ba'y ang ating sariling wika ay naaapektuhan. Sa kabilang banda ito ay maganda subalit may kaakibat ding kawalan. Marami nang nagbago at marami na ring Pilipino ang unti-unting nakalilimut. Sa aking obserbasyon, wari ba'y mga kabataan ang hindi ganoon kabihasa sa Wikang Filipino sapagkat mas tinatangkilik ang wika ng mga dayuhan gayong mayroon tayong sariling atin.
Mahalaga na bilang isang Pilipino at wikang Filipino ang ating pagkakakilanlan sa mga dayuhan, nararapat lamang na pag-ibayuhin at payabungin ang ating wikang sarili sa pamamagitan ng tamang pag-alam ng kinagisnan, historya at mga dayuhang nagpakadalubhasa sa ating wika upang makamtan natin kung ano ang mayroon tayo ngayon.
Wika ni Gat. Jose Rizal, "Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Kung kaya't sinasabi sa katagang ito na kahit gaano pa karami ang alam nating wika sa buong mundo, bilang isang Pilipinong may pagmamahal at malasakit sa bayan dapat lamang na tangkilikin natin ito.
Hindi naman masama na tangkilikin din ang wika ng mga dayuhan, datapwat bago iyon naaangkop lamang na alam natin ang sariling atin. Bago mahalin at alamin ang wika ng mga dayuhan, bilang isang Pilipino alamin muna natin kung ano ang dahilan bakit tayo may sariling wika. Bago mahalin ang sa iba, mahalin muna natin ang sariling atin. Wikang Filipino. Wikang dapat tangkilikin.
Sanggunian ng Larawan:
https://blog2926blog.wordpress.com/2016/09/08/filipinowika-ng-edukasyon/
No comments:
Post a Comment