Isang maganda at mapagpalang araw sa ating lahat! Ako si Ginoong Richard Hemor at nakatayo sa inyong harapan upang magbigay kaalaman, reyalisasyon at kaunawaan patungkol sa talumpating binigyan ko ng titulong, “Diploma o Diskarte?”.
Sa modernong panahon na dumarami na ang oportunidad, ano nga ba ang mas matimbang? Anong mas mahalaga? Diploma bang pinaghihirapan ng maraming taong pagpasok sa paaralan o diskarteng pinaglalaanan ng kakayahan upang makamit ang ninanais makamtan? Sinasabing mas mahalaga ang diploma para sa mga taong nakapagtapos ng pag-aaral at nakamit ang rurok ng tagumpay, ngunit sa kabilang banda, marami rin ang nagsasabing mas mahalaga ang diskarte para sa mga napatunayang kahit hindi ka nakapag-aral basta may diskarte ay magtatagumpay ka. Kapag ikaw ay mahirap masasabi bang ang diploma ang kasagutan upang ikaw ay magkaroon ng maayos na buhay o kailangang dumiskarte ka muna upang kumita ng salapi habang tinutustusan ang pag-aaral para sa diplomang inaasam? Kapag ikaw ay mayaman masasabi mo bang kailangan mo pang dumiskarte nang sobra para lamang makakain ng tatlong beses sa isang araw o gamitan na lang ng impluwensya para mas lalong maging matagumpay? Sa ating lipunang ginagalawan ano ang nakikita mong mas mahalaga at maraming nagtatagumpay? Para kanino nga ba ang diploma at sino ang mga dapat dumiskarte?
Hindi maikakailang napakahalaga ng edukasyon sa pagkamit ng pinapangarap na diploma subalit hindi maitatangging kapag ikaw ay walang diskarte, malabo rin namang mapasayo ang tagumpay. Sa pagdaan ng panahon, marami ang naghahangad at naniniwalang mas matimbang ang edukasyon para maabot ang diploma dahil ito ang pundasyon kung paano magsisimulang makibaka at sumuong para sa mga hinahangad na pangarap. Subalit kung kalagayan sa buhay ang pag-uusapan, tila’y mahirap na usapin kapag ikaw ay galing sa mahirap na pamilya. Maraming bagay na dapat isakripisyo, maraming dapat isaalang-alang para sa ikabubuti at ikatatagumpay. Kung nais mong maabot ang iyong mga hinahangad, hindi mo iisipin na lubhang napakatagal ng proseso bago makuha ang diploma sapagkat hindi mahalaga sayo kung ito man ay matagal o pausad-usad lang bagkus ay kung paano magtatagumpay sa pamamagitan ng pagiging matiyaga at puno ng determinasyon. May mga taong mayroong diploma subalit hindi maayos ang buhay at may mga tao rin namang kahit walang diploma ay nakamit ang tagumpay dahil sa kanilang diskarte at determinasyon. Katulad ng binatang negosyante na si Josh Mojica, binatang galing sa hirap na binasag ang linyang "pupulutin ka sa kangkungan" matapos niyang mapaunlad ang kanyang buhay at nakatulong pa sa iba. Ginamit niya ang linyang iyon bilang motibasyong hindi lahat ng hindi nakapagtapos at walang diploma ay hindi aangat at magtatagumpay, bagkus ay kanyang pinatunayan na ang diskarte ay isang mahalagang sangkap upang makamit ang tagumpay na inaasam. Mahirap pumili sa dalawa kung ikaw ay galing sa hirap at naghihikahos sa perang ipagpapaaral o didiskartehan na lang ng makakain para sa pamilya. Dahil hindi lang usapin ang pagpili sa diplomang matagal makakamtan kun'di kung paano mairaraos ang isang araw na hirap at gutom sa pamamagitan ng diskarte. Sa halip, maaari nating tingnan ang kanilang ugnayan at paano sila maaaring makatulong upang ang isang indibidwal ay magtagumpay. Ang diploma ay hindi lang para sa mayayaman, ang diskarte ay hindi lang din para sa mga mahihirap, ito ay dapat na magkasama para sa isang nagnanais na magtagumpay sa buhay.
Sa huli, ang diploma at diskarte ay mahalagang magkasama. Ang diploma ay maaaring maging pundasyon ng ating tagumpay, ngunit ang diskarte ang magpapalawak at magpapalakas sa ating pag-angat sa buhay. Sa pag-abot ng mga pangarap hindi sapat na may diploma lang, kinakailangan din ang diskarte upang magtagumpay. Ito ay hindi tungkol sa mayaman o mahirap, kundi tungkol sa pagkakaroon ng kakayahan na harapin at suriin ang mga hamon ng buhay. Hindi ito isang laban kung alin ang mas matimbang, bagkus ay isang pagkakataon upang gamitin ang parehong mga sangkap upang makamit ang tagumpay anuman ang kalagayan sa buhay. Ang dalawang ito ay hindi kailangang pagdebatehan kung ano ang mas mahalaga, kung alin ang mas nakatutulong at kung paano ang mga ito magdadala ng pagbabago sa buhay ng isang indibidwal. Sabi nga ng mga matatanda, “hindi masamang mangarap”, subalit sa ating pag-abot ng mga pangarap, samahan natin ng determinasyon at diskarte kung paano makakamit ang mga pangarap na iyon. Ang pangarap ay walang limistayon kung ikaw ay gumagawa ng aksyon. Muli ako sa Ginoong Richard Hemor na nag-iiwan ng katanungan na, para sayo anong mas mahalaga, diploma o diskarte?
Sanggunian ng Larawan:
https://podcasters.spotify.com/pod/show/anniecervantes/episodes/Tony-and-I--Diploma-o-Diskarte----Taglish-e2h9f25
No comments:
Post a Comment