Sino nga ba sila?
Mahirap, dukha, isang kahig isang tuka?
Hindi, mali, sila ang Katutubong Mangyan,
Katutubong may maipagmamalaki't sariling pagkakakilanlan.
Katutubong Mangyan, may iba't ibang lahing kinagisnan,
Subalit may iisang tribung kinabibilangan.
Iraya, Alangan, Tadyawan, Tau-buid, Bangon, Buhid, Ratagnon maging Hanunuo.
Tribu ng Mangyan na matatagpuan sa Probinsya ng Mindoro.
Itinuturing na isa sa mga mahiyaing tribu,
'pagkat ang kinagisna'y liblib, sa malalagong puno.
Animo'y mailap at tila'y hindi nakararating sa kabihasnan,
Subalit lantad at batid na sa Mindoro'y kakambal na ng kasaysayan.
May sariling paniniwala, lengguwahe, kutura't tradisyon,
Na hindi nasisira sa bawat paglipas ng panahon.
Anuman ang lahi, isa pa ring tribu, lyan ang mga
Katutubong Mangyan sa isla ng Mindoro.
No comments:
Post a Comment