Sa isang liblib na bayan sa Mindoro, may isang batang lalaki na nagngangalang Juanito. Si Juanito ay hindi gaanong kilala sa kanilang nayon, subalit siya ang tipo ng bata na marunong magbigay halaga sa yaman ng kalikasan, sa biyayang dala nito at kung paano ito pangalagaan. Siya ay nagmula sa payak na pamilya, may ama na halos igapang ang mga anak para lamang makapagtapos ang mga ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagsasaka, mayroong ina na araw-araw ay gumigising nang maaga para ang buong pamilya’y pagsilbihan at pagsapit ng araw ay sumasama rin sa sakahan.
Lumaki sa bukid na sa murang edad ay tinutulangan ang mga magulang sa pagkayod tuwing walang pasok. Hindi na sa kanya lingid dahil itinuro na sa kanya ng kanyang mga magulang ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kalikasan at pagiging mapanuri sa mga gawaing pang-agrikultura. Sa bawat paghawi ng lupa at pagtatanim ng mga binhi, kasama niya ang kanyang mga magulang upang matuto ng wastong pamamaraan.
Isang araw, habang si Juanito ay naglalakad sa kagubatan upang mangolekta ng kahoy upang ipanggatong sa pagluluto sa kanilang tahanan, napansin niya ang kakaibang kagandahan ng kalikasan sa paligid. Malalagong dahon ng mga naglalakihang punong-kahoy, makukulay na bulaklak, at mga ibon na umaawit habang naglalaro sa himpapawid. Hindi niya mapigilang mapahanga sa likas na ganda ng paligid, animo’y para siyang nasa paraiso sapagkat hindi polusyon ang masisinghot kun’di ang sariwang hangin.
Sa kanyang patuloy na paglalakbay, natagpuan ni Juanito ang isang maliit na ilog na puno ng malinaw at malamig na tubig. Sa tabi ng ilog ay may makukulay na mga bulaklak. Hindi niya mapigilang maakit sa kagandahan ng lugar. Subalit, sa kabila ng kanyang kasiyahan, agad niyang napansin ang mga plastik na basura na nakakalat sa paligid. Nakaramdam ng lungkot si Juanito sa kanyang nakita.
“Bakit ganito ang paligid, sadya bang pinabayaan na ito ng mga tao?” malungkot na sambit niya sa sarili habang pinagmamasdan ang lugar.
Hindi niya matanggap kung bakit may mga tao na hindi nag-iingat sa kalikasan. Hindi niya lubos maisip na sa kabila ng mga biyayang ibinibigay ng kalikasan ay hindi pa rin ito magawang pahalagahan. Subalit sa kabila noon, sa halip na magalit, nagdesisyon siyang gumawa ng hakbang upang linisin ang lugar. Sinimulan niyang iakyat ang mga basura at itapon sa tamang tapunan. Sa kanyang pagtitiyaga, kalauna’y natapos niyang malinis ang tabi ng ilog, hindi lang makukulay na bulaklak ang kanyang napagmasdan kun’di ang malinis na ilog.
Sa paglipas ng mga araw, naging kilala si Juanito sa kanyang pagmamalasakit sa kalikasan. Naging halimbawa siya sa kanyang komunidad. Sinimulan niyang manghikayat ng mga kaibigan at kapitbahay na makiisa sa kanyang adbokasiya. Itinatag niya ang isang grupo ng mga kabataan na naglalayong linisin at alagaan ang kalikasan ng kanilang bayan.
Sa bawat araw na lumilipas, dumarami ang miyembro ng kanilang grupo at naging inspirasyon sa iba pang komunidad sa Mindoro. Dahil sa kanilang pagkakaisa at pagmamalasakit, unti-unti nilang nababawasan ang polusyon sa kanilang paligid at nagiging malinis at maaliwalas ang kanilang mga taniman at kabayanan.
Sa mga pangyayaring iyon, natutuhan ng lahat ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at maingat sa kalikasan. Sa pamamagitan ng simpleng gawain at pagkakaisa, nagtagumpay sila sa pagpapalaganap ng kultura ng pagmamalasakit sa kalikasan sa buong nayon. Si Juanito at ang kanyang grupo ng mga kabataan ay nagbigay-aral na ang bawat isa ay may kakayahang maging tagapagbago sa kanilang komunidad. Ang pagbabago ay hindi lang basta sa sarili kun’di kung paano pahalagahan ng bawat isa anumang ipinagkatiwala sa atin ng kalikasan. Sa ating mga tao magsisimula ang pagbabago.
Sanggunian ng Larawan:
https://www.pngitem.com/middle/TTwbwR_question-mark-clipart-cool-purple-classy-design-transparent/
No comments:
Post a Comment