Friday, October 25, 2024

BAKA BUKAS...IKAW NAMAN

Kasabay ng malamig na panahon ay ang paglamig ng kapeng kanina pa tinimpla,

kapeng kanina'y kay tamis at masamyo ang aroma,

hindi na masarap, hindi na muling malalasap,

tila ba'y nilanggam, hindi binantayan, pinabayaan.


Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagpatak ng mga luhang 'di na alintana pa.

Malalaking patak ng ulan at malakas na hangin, hindi mapigilan, tila ba'y nagwawala,

kasabay ay ang malalakas ding bugso ng hindi mapigilang damdamin na ang nais ay kumawala,

hindi na kayang pigilin, hindi mawari't ang ninanais ay maging malaya.


Kasabay ng mga along rumaragasa, nalunod ka sa patibong,

'di ka inanod ng tubig subalit nadala ng salitang kasing talas ng balisong.

Ginawa mo lang ang kaya mo't sa baha ay sumuong,

subalit, bakit ang lakas na ibinibigay ay parang walang naitulong?


Kasabay ng hindi maguhit at mailarawang panahon, 

saan hahanapin ang sagot sa mga tanong na matagal ibinaon?

Kapag ang ulan at hangin ba'y payapa na ay kalmado na rin?

o kailangan munang totoong mamahinga bago mawala ang panimdim?


Hindi sigurado, walang nakaaalam,

siguro kung hindi pa ngayon, darating din kahit hindi gawan ng paraan.

Kung para sayo'y para sayo, hindi kailangang ipilit,

'pagkat kung ang panahon man ngayo'y maulan, malay natin, bukas nama'y mainit.


Sanggunian ng Larawan:

https://www.pinterest.com/pin/cup-of-coffee-outdoors-outdoors-nature-drink-coffee--149885493823104483/

No comments:

Post a Comment

PASKONG WALANG SAYA