Sunday, October 20, 2024

IKAW, ANONG GUSTO MO SA PAGMAMAHAL?

Ang gusto ko sa pagmamahal, mahigpit subalit hindi nakakasakal.

Mahigpit na niyayakap sa tuwing magtatagpo, tanda na lubos na nangulila sa isa't isa.

Yaong pagmamahal na hindi nambubulyaw, hindi mabalasik, hindi nanunumbat, tama lang ang tono, may lambing pa rin kahit may bahaging hindi nagkakasundo.

Ang gusto ko sana, yaong pagmamahal na malumanay, marunong maghintay, hindi na kailangang mangako subalit nakasisigurong nakaantabay.

Yaong pagmamahal sanang handang lumingap,
gawing sandalan ang isa't isa kapag ang sarili'y hindi maapuhap.
Pagmamahal na kayang magtimpi, kayang magsabi kapag ang sitwasyo'y hindi mawari.

Pagmamahal na hindi matapang ang timpla, hindi malabnaw, hindi nagdudulot ng sakit, tama lang at masamyo ang aroma.

Katulad ng mga kamay na magkahawak, hindi masyadong mahigpit, hindi masakit, subalit nakatitiyak na hindi bibitaw.

Ikaw, anong gusto mo sa pagmamahal?


Sanggunian ng Larawan:

http://www.drpaulwong.com/the-meaning-of-love-and-its-bittersweet-nature/

No comments:

Post a Comment

PASKONG WALANG SAYA