Si Berto ay isang batang
lansangan na palaging mababanaag na naglalakad sa mga lansangan ng Maynila. Sa
murang edad, siya ay tila isang sisiw na kung anuman ang mahulog sa lupa, kahit
ang mga tira-tirang pagkain mula sa basurahan, ay kanya pa ring
pinagsusumikapang makuha. Ganoon talaga kapag mahirap. Ang kanyang buhay ay
isang siklo ng gutom at pakikibaka, nakatali sa mapait na katotohanan na wala
silang maayos na tirahan. Kasama ang kanyang inang si Aling Juana, na may
matagal nang sakit at walang kakayahang magtrabaho, sila ay naninirahan sa
isang barong-barong na ang mga pader ay tagpi-tagpi at madalas pa'y kailangan
nilang lumipat-lipat. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, si Berto ay may munting
pangarap, isang pangarap na makatuntong sa paaralan, maging katulad ng ibang
bata na araw-araw niyang pinapanood habang may dalang bag at maayos na suot.
Isang araw, sa kanyang paglalakad, dala ang
sako niyang mayroong mga basurang maibebenta, naramdaman niya ang matinding
gutom. Tila ba’y kumakalam na animo’y tambol ang kanyang sikmura at bawat
hakbang ay nagdadala ng matinding sakit sa kanyang katawan. Napadako siya sa
tapat ng isang paaralan. Agad niyang napansin ang mga estudyanteng nagmamadali,
nakasakay sa jeep, nakasakay sa tricycle, o naglalakad kasama ng kanilang mga
magulang. Masaya sila, may mga dalang pagkain at nakasuot ng malilinis na
uniporme. Si Berto ay tumigil sandali at malayo ang tingin, naglalakad pa rin
ngunit tila ay nakikita ang sarili sa bawat batang papasok sa paaralan.
Sa pagmamadali ng mga estudyante,
isang babae na kasama ang anak ang ‘di sinasadyang nabunggo si Berto.
"Ano ba, bata? Ba’t ka ba humaharang
sa daan?" matalim na tanong ng babae, sabay bulyaw.
"Pa-pasensya na po,"
nanginginig niyang sagot, habang yumuyuko.
"Alam mo namang siksikan dito,
at naghahabol kami ng oras dahil late na ang anak ko. Dahil sa 'yo nadumihan
tuloy ang uniporme ng anak ko! Aba, may pamalit ka ba? Kung meron man, malamang
punit-punit din."
Sa bawat salitang lumalabas sa
bibig ng babae, naramdaman ni Berto ang bigat ng kanyang sitwasyon. Pinagmasdan
siya ng mga tao, Nakita niya ang mga mapanghusgang tingin na pumuno sa hapdi sa
kanyang puso. Halos maluha na siya, ngunit pinipilit niyang huwag magpakita ng
kahinaan. Subalit, nang sandaling iyon ay hindi na niya napigilan.
"Wala na po bang karapatan
ang tulad kong mahirap na tumungtong sa lugar na ito?" aniya, nanginginig
ang tinig ngunit puno ng damdamin. "Ano po bang kasalanan ko? Dahil ba sa
ganito ang damit ko, kaya hinuhusgahan niyo ako?
“Aba, at sumasagot ka pa!” bulyaw
ng babae.
“Ano po ba ang pinagkaiba ng isang
mayaman sa akin, maliban sa kayamanan? Ang ugali ba ng mga may kaya ay dapat maging
mapagmataas, samantalang ang tulad kong maralita ay walang karapatang
magpaliwanag?" dagdag pa ni Berto.
Nang mga sandalling iyon ay napatingin
ang lahat. Tumahimik ang paligid. Naramdaman ng babae ang hiya na walang nasabi
at nagmadaling umalis kasama ang anak. Naiwang mag-isa si Berto, ngunit ang kanyang
mga luha ay hindi mapigilan. Umalis siya sa lugar na iyon, ramdam ang bigat ng
bawat hakbang.
"Bakit ba ako pinanganak na
mahirap? Ano bang nagawa ko para parusahan ng ganito?" tanong niya sa
kanyang sarili.
Nakarating siya sa kanilang
barong-barong, ngunit ang hapdi sa kanyang puso ay mas bumigat at hindi
mapigilan. Ang araw na iyon ay hindi nya malilimutan, ang araw na kinutya’t
pinagtawanan, ang araw ring mas umigting ang kanyang loob na mas mangarap,
pangarap na balang araw, mabago niya ang kanyang buhay at patunayan na kahit
ang isang katulad niya ay may karapatang matupad kahit paunti-unti.
Kinabukasan, maagang nagising si
Berto. Kahit masakit pa ang katawan mula sa pagod nang nakaraang araw, bumangon
siya at nagtungo sa kanilang maliit na kusina. Naroon ang kanyang inang si
Aling Juana, nakaupo at halatang hirap sa paghinga. Maputla ito at halatang
pagod na pagod na.
"Inay, ayos lang po ba kayo?"
tanong ni Berto habang nagmamadaling kumuha ng tubig.
"Sandali lang po, kukuha po ako ng
tubig." Kitang-kita ang pag-aalala sa kanyang mga mata.
"Anak, huwag kang
mag-alala," sagot ni Aling Juana, pilit na ngumiti kahit halata ang sakit
na nararamdaman. "Pasensya ka na’t wala tayong maayos na makain ngayon.
Pero anak, huwag kang mawalan ng pag-asa. Darating din ang araw na makakamtan
mo rin ang pangarap mo."
"Pero paano, Nay? Kahit ang
simpleng pag-aaral, hindi ko maranasan. Saan po ba tayo dadalhin ng mga
pangarap kung parang laban sa atin ang tadhana?" Napabuntong-hininga si
Berto habang tinitingnan ang dala niyang sako.
"Bakit po kaya ganito ang buhay
natin?" dagdag pa niya.
Napaluha si Aling Juana.
"Berto, hindi mo kasalanan. Marami tayong hirap, pero hindi ibig sabihin
na wala kang halaga. Mahalaga na patuloy kang mangarap at magsikap."
Hinawakan niya ang kamay ng anak. "Matapang ka, anak. Huwag kang
susuko."
Nang mga oras na iyon ay kinailangan na
muling umalis ni Berto upang maghanap ng mga bagay sa kalsada na pwedeng
ibenta. Bitbit ang kanyang sako ay muli siyang naglakad sa lansangan. Sa
kanyang pagdaan sa paaralan, nakita niya ulit ang mga estudyanteng masaya at
may mga bitbit na bag at baon. Pinagmamasdan ang mga bata at iniisip kung paano
mabuhay kung siya ay isa sa kanila.
Habang
naglalakad, isang matandang lalaki ang napansin siya.
"Hoy, bata, halika," tawag
nito. Lumapit si Berto, nagtataka. "Ano ang pangalan mo?"
"Berto po," sagot niya.
Ang matanda ay may dalang maliit na
notebook at mukhang nagbabantay sa paligid ng paaralan.
"Parang araw-araw kang dumadaan
dito. Gusto mo bang pumasok sa eskwelahan?"
"Ah…eh… o-opo. P-pangarap ko
pong mag-aral. Pero wala po kaming pera," sagot ni Berto na animo’y nauutal.
"Gusto ko pong maging katulad ng
ibang mga bata na may pagkakataon mag-aaral.”
Napangiti ang matanda, pero bakas sa
mukha nito ang awa.
"Berto, alam mo sa buhay natin,
dumarating ang pagkakataon ng hindi natin inaasahan." Kinuha nito ang
isang lumang libro mula sa bag at iniabot kay Berto. "Ito, baka
makatulong. Balik ka rito bukas. May kilala akong pwedeng tumulong sa'yo."
Natuwa si Berto ng ilang saglit
subalit nag-alinlangan din, sapagkat naalala niya ang nangyari noong nakaraang
araw na hinusgahan sya ng babae’t halos lamunin sa pangungutya.
"Salamat po." mahinang sabi
niya na may halong hiya at walang ibang nagawa kundi magpatuloy sa paglalakad
pauwi.
Pagdating sa bahay, sinalubong siya ng
mahinang boses ng kanyang ina.
"Berto, kumain ka na ba?"
Lumapit siya at niyakap ang ina.
"Inay, tingnan niyo po ito. May nagbigay po
ng libro at baka raw po ito makatulong sa akin." Subalit bago pa niya
maipaliwanag, nanghina si Aling Juana at nawalan ng malay.
"Inay… I-inaaaaaay Gumising po kayo Naaay!
Huwag nyo po akong iwan! Pangako po, mag-aaral ako para sa inyo!"
Habang umiiyak, narinig niya ang huling
salita ng ina. "Berto, ipangako mo na kahit anong mangyari, hindi ka
titigil hanggang sa makamit mo ang pangarap mo."
“Naaaay, huwag po parang awa niyo na!”
habang sumisigaw at nagnginglid ang mga luha sa mga mata.
Nang araw na iyon di’y naiwang mag-isa
si Berto ng kanyang ina at ang ating naiwan ay ang bigat ng damdamin sa ‘di
mailarawang sitwasyon ng kanyang buhay na akala niya’y hindi niya mararanasan
bukod sa paghihirap.
…………………………..
Makalipas ang isang linggo, bumalik si Berto sa paaralan, dala ang mabigat na pakiramdam na may halong tuwa dahil sa wakas ay matutupad nya na ang pangarap na makapag-aral. Sa kanyang pagpasok ay doon niya nalaman na ang matandang tumulong sa kanya ay isang dating guro na may programa para sa mga batang lansangan. Sa kabila ng pagpanaw ng ina, pinanghawakan ni Berto ang kanyang pangako at ito ang naging simula upang magpatuloy sa kanyang buhay kahit wala na ang kanyang ina.
Sanggunian ng Larawan:
https://mong15xs.wordpress.com/wp-content/uploads/2011/09/poverty1.jpg
No comments:
Post a Comment