Sunday, December 1, 2024

PAGSUSURI: YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM

YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM

 Genoveva Edroza Matute

 

Kay Lydia niya mang narinig ang balita.

‘la, ang sabi ni Lydia na komandong sa kanya at pinagdaop ang mga palad sa kanyang batok, aalis ka na nga ba rito ‘la?

Aalis ako? Aba, saan ako pupunta? Ang taong niyang may kahalong tawa. Di na nga 'ko makakilos e-diyantreng rayuma to! Aalis pa ko?

Ayan! Ayan! Tuwang-tuwa si Lydia. Inalis ang pagkakadaop ng mga palad sa batok ng Lola at pumalakpak. Sabi na nga ba, di ka pupunta kina Odet!

Ang tawang nagpalabas sa mga gilagid na wala nang ngipin ay unti-unting natikom, kasabay ng panlilit ng mga matang umaaninag sa mukha ng apo.     

Batang ire, kung saan-saan kinukuha ang pingsasabi. Saan mob a nahagilap iyan? Pa'no 'ko pupunta kina Odet- ni hindi ko alam kung saan nakatira iyon? Dadalawang beses kong nakikkita sa...ku... kung ga'no na katagal na panahon. Ngunit, hindi na makikinig sa kanya si Lydia. Ito'y matuling bumaba buhat sa kanyang kandungan sa unang ingit ng pinto na nagpastungaw sa magandang ina nito.

Lydia, ang tawag ng mgandang Carmen. Ang tinig na dumating sa pakinig ng Lola ay hindi marahas, hindi galit. Malamig. Malamig. Ang magandang si Carmen ay aral sa kolehiyo. Kalian ma'y hindi niya narinig ang tinig nitong naging marahas, ni galit. Malamig lamang. Malamig. Si Lydia ay mabilis na lumabas sa kusina. Sumunod ang ina nito. Mula sa upuang may-pagulong ay tinanaw ng matanda ang mag-ina.

Sinasabong mabuti ng magandang si Carmen ang mga bisig at kamay ni Lydia.

Sa kanyang panganay niya narinig na muli ang balita.

Inay, ang marahang sabi ni Ramon, gustong-gusto kayaong makuha ni Rey- sabik na sabik daw sa Lola ang anak niyang si Odet. Kung iisipin nga naman, halos hindi kayo nakikilala ng mga apo niyo sa anak ni yong bunso. May marahang tawang walang taginting ang kasabay ng sinabibg iyon ni Ramon. Sabi ko nga'y hindi kami papaya ni Carmen na makuha kayo ng kapatid kong iyon, pero…

"ba, ayoko ro'n. Sabi mo nga, ni hindi kami halos nagkakilala ng mga apo ko-maski manugang ko-kay Rey...

…pero, ang patuloy ni Ramon... baka naman magdamdam si Rey. Sabi ko na lang payag kami ni Carmen...na magbakasyon kayo roon.

 

Mailap ang mga paningin ni Ramon. Umiiwas sa kulu-kulubot na mukhang nakataas sa kanya, sa mga nanlalabong matang umaaninag sa kanya.

Magbabakasyon ako... sa bahay... ng aking bunso? Buong kupad na gumapang sa kanyang isipan ang narinig na iyon sa kanyang panganay. Hinaplus-haplos ng butuhan niyang kamay ang buhok niyang simputing pilak. Bakasyon nga ba ang sinabi ng aking panganay? Kina Rey? Saan nga ba nakatira ang aking bunso? Ano nga ang pangalan ng napangasawa niya? Si Odet ay apo ko yata sa aking bunsong anak. Hindi ko maalala ang mukha. A, iba si Lydia. Kilala ko si Lydia. Bunso ng aking panganay. Maganda ang kanyang ina. Sinasabong mabuti ang mga kamay ni Lydia. Bakit kaya? Talaga bang dadalawa ang aking mga anak? Matagal nang namatay ang kanilang ama.

Ina'y, nakikinig ba kayo? Nangibabaw ang tinig ni Ramon sa sali-salimuot na isipang buong kupad na gumagapang sa kanyang utak. Bakit ba padalas nang padalas na nagsasali-salimuot nang gayon ang iba't ibang isipan sa kanyang ulo? Noong bata-bata pa siya... Kung mauna ako sa iyo'y huwag mong gaanong damdamin: may dalawa ka namang anak.

Mabigat ang kamay na pumatong sa kanyang balikat. Napag usapan na naming ni Carmen ang bagay na ito, Inay. Nagkasundo kami na paghigyan ang gusto ni Rey.

Ngayon ay lumiliwanag nang bahagya ang kanyang isipan. Magbabakasyon ba 'ka mo ako kina Rey? Hinagilap ng nanlalabo niyang paningin ang mukhang kangina'y nakatunghay sa kanya, nguni't nag-iisa na siya. Laiminga-linga siya. Talagang nag-iisa na siya. Pinagulong niya ang kanyang upuan hanggang sa may pinto. Pinihit niya ang hawakan. Hindi natinag ang pinto. Nanatili sa pagkakapinid.

Sa kabila ng napinid na pinto'y naulinigan niya ang tinig ni Ramon. Malakas. Ngunit hindi malinaw ang mga salitang hinahadlangan ng makapal na pinto. Naulinigan niyang bahagyang-bahagya ang tinig ni Carmen. Marahan. Hindi galit. Malamig. Naglagos sa pinid na pinto ang kalamigan ng tinig na niyon.

Inaantok siya sa pakikinig sa mga tinig na iyon. Bakit ba padalas nang padalas ang pag-aanto niya kahit araw? Sindalas ng pagsasali-salimuot ng iba't ibang isipan sa kanyang utak na pabagal nang pabagal sa pag-unawa sa ano mang sabihin sa kanya ni Ramon. Ni Lydia. Ng mga utusan. Matagal na siyang hindi, kinakausap ng magandang si Carmen.

Kaalinsabay ng pag-aantok niya ang padsasali-salimuot ng iba't ibang isipan. Isipan nga ba o alaala? Alaala nga ba o guniguni?

Dadalawa naman ang ating anak. Ang tinig ay humahakdaw sa maraming taon. Nagbabalik sa kanya sa buong kabaitan niyon. Sa buong pagmamahal niyon. Napagtapos na natin silang dalawa ng karera. Makapagsisismula na sila sa tulong ng kanilang pagsisikap. Tayo naman ay maglibut-libot-hanggang Mindanaw man lamang, hanggang Ilokos. Makita man lamang natin ang sariling bayan bago tayo mamatay.

Taong ito, pasasaan bang hindi natin magagawa jyan-alam mong gustong-gusto ko iyan. Ngunit kailangan pa nila tayo.

Aba, masama naman yatang ibigay na natin sa kanila ang lahat ng kanilang kailangan ubusin nang lahat sa kanila ang natitira pa sa kaunti nating natipon. Aba, baka naman mangaging masyadong makasarili ang mga iyan... Ang tinig na iyon, sa buong kabaitan niyon, sa buong pagmamahal niyon, ay ginapangan ng manipis na ulap ng pag- aalinlangan. Ngunit ito'y mabilis na pinawi ng nkasisilaw na liwanag ng kanyang pananalig.

Taong ito, ang dalawa kong bunso, maging makasarili? Hindi mo nga pala sila nakikilala- gaya nang pagkakilala ko!

Una muna si Ramon. Malaking bahagi ng kanilang tinipon ang nagpapatayo ng isang magarang bupete para rito. Kagarang umakit ng magagarang kliyente, ng mga usapin ng maseselang na damdamin ng maseselang na tao na naghatid ng tagumpay, ng kolehiyala't magandangsi Carmen.

Sumunod si Rey. Ang nalalabi pa sa kanilang tinipon ang nag-akyat kay Rey sa lipunang kinatagpuan sa isang tagapagmanang taga-Timog.

Kinabukasan ng kasalan, ang tinig na iyo'y nagbalik sa katahimikang pinagmulan. Isang sakuna ang sumakmal at kumitil nang panghabang-panahon, sa tinig na iyon at sa marupok na pangarap ng dapithapon ng buhay.

Huwag na kayong umiyak, Inay ay tinig ni Ramon. Sa amin kayo titira. Mabait si Carmen, at malapit na kayong magkaapo...

Apo! Mga apo? Mararahang yabag, mga yabag na di-nakakatiyak sa pangangabay... mabilis na paa sa pagtakbo matitinis na tinig

Ang bola ko!... I-i-i-i-i-i-i-i-iiiiiiit... Saglit na katahimikang sümabog sa matinis na sigaw ng maraming tinig

Ano iyon? Tuminag ang Lola sa upuang may-pagulong, sa saglit ng kanyang pagkakalimot. O pagkakatulog? O pangngarap?

Lumalapit sa kanya si Tinay, ang utusan. May tabgabg kutsarita ng gamut at isang basong tubig.

Lula, mag-inum na ikaw sa gamut-para d'yan sa iyu na balat. U, mag-intum ikaw agad sa tubig- masyadu'ng mapait n'yan, anti? Sinipat Tinay ang namamalikaskas na balat sa mga bisig ng matanda. Pur bida, baka magi na matanda sa akon ganyan din sang balat ku? Tumawa si Tinay. Ngunit bago iyon lumabas ay kinuwentuhan muna siya.

Lula, magdating na nämän säng Mistir at Misis Valli.

Sino?

Sang Misis, 'yung kumadri sang Niyura Carmin-yung magsabi pag magkita ka, parang magkita rin sang nanay niyang mamatay. Magsabi pa nga, magsuwirti sang Lydia, mi lula-sang anak n'ya, ala...

A, iyon ba?

Lumabas si Tinay, dala ang kutsarita at ang hasong wala nang laman. Ipininid na muli ang pinto. Buhat sa kabilang silid ay wala na ang taginting ng malakas na tinig ni Ramon. Wala na ang malamig na tinig ni Carmen.

Umaambun-ambon nang hapong pumasok sa malakit lumalangit-ngit na pinto sa harap ang awto ni Rey. Si Tinay, ang utusan, ang nagsabi sa kanya kung sino ang dumating

Sang Lula naman, ang natawang sabi ni Tinay. Sinu gid bisita ang magtanting mu? Sang Mistir Riy yun a! Iyu na anak, di mu man kilala? Pur bida! Muling, tumawa si Tinay.

May kung anong biglang umawit sa kalooban ng matanda. Sumayaw. Nagningning. Inaninag ng kanyang mga nanlalabong paningin ang matangkad at matipunong katawang tuloy-tuloy sa salas. Banaag ng araw na nagdaan sa kanyang pagmalas ang mukhang yaong kapilas ng sa amang nag-alala nang gayon na lamang sa kanya-kung sakali't mauna iyong angkinin ng kamatayan.

Simbilis ng alaala ang pagpapagulong niya ng upuan, patungo sa pinasukan ng kanyang bunso. Alaala ng tinig na iyong mabait at mapagmahal: Hu, ikaw ba naman mas mahal mo ang bunso mong iyan kaysa panganay. At ang tinig niya sa pagsagot: Taong ito-gaya mob a, may paborito? Kung hindi pa halatang-halata ang pagkiling mo sa panganay mong iyan!

Ang tinig niya ngayo'y humahakdaw sa kalawakan, sa buhay at kamatayan, at ngayo'y sinasabi niya sa ama ng magkapatid: Nakita ha - wala kang dapat alalahanin, mauna ka man sa akin. Kukunin na ako ngayon n gating bunso. Isasama ako sa bahay nila sa Timog. Taong ito-nag-aalala nang walang dahilan....

Talagang itutuloy niya ang pagpapagulong ng upuan hanggang sa pinasukan ng kanyang bunso. Sabik na sabik ang butuhan niyang mga kamay na makasalat sa mukhang iyong kapilas ng sa kanyang kabiyak, ang nanlalabo niyang paningin na umaaninag sa kabutan niyong kinalungkalong sa bata niyang dibdibnoong araw.

Sa may pinto'y ipinatda siya ng malakas na tinig ng kanyang panganay at ng kanyang bunso. Nahinto ang paggulong ng kanyang upuan, kasabay ng pagtigil ng pag-inog ng kanyang daigdig.

Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang dapat, marami ka riyang idinadahilan...

A, ngayong hindi na niyo pinakikiknabangan, ano? Saka sinabi ko na sa iyo, magra-round-the-world kami.... paano?

Sumunod ang tinig ng magandang si Carmen. Malamig na tinig na hindi niya maunawaan ang sinasabi. Malamig na tinig na nanuot nang malalim sa kanyang mga buto.

Sinlamig ng patak ng ambong kumupkop sa kanya sa marahang paggtulong ng kanyang upuan sa terraza. Sinlamig ng takipsilim na yumayapos sa batuhan niyang katawan.

Si Tinay, ang utusan, ang nakatagpo sa kanya sa terraza.

Naku, sang matanda na ari bakit ba magbasa ikaw sang ulan? Halika sang luub. Anu nang ibulung mu-Misis Valli.. Misis Valli... Misis Valli... Naku, siguro mag-ulianang talaga sang Lula. Halika sang luub....

 

 

BUOD

Ang kwentong ito ay umiikot sa kwento ng isang matandang ina na nakatira sa bahay ng kanyang anak na si Ramon at ng kanyang manugang na si Carmen. Sa kabila ng kanyang tahimik na pamumuhay, nararamdaman niyang tila hindi siya tanggap sa loob ng tahanan. Ang malamig na pakikitungo sa kanya ay nagdadala ng lungkot at pangamba na baka siya’y itinuturing nang pabigat ng kanyang pamilya. 

Sa bawat araw na lumilipas, lalo niyang nararamdaman ang paglayo ng loob ng kanyang anak at manugang. Isang araw, nagkaroon ng pag-uusap sina Ramon at Carmen. Napag-usapan nila ang plano na ipadala ang matanda sa isa pang anak, si Rey. Para bang isa siyang bagay na basta na lamang ipapasa sa iba upang mabawasan ang kanilang responsibilidad. Nang dumating si Rey, napansin din ng matanda ang kawalan ng interes nito sa kanya. Sa halip na kalinga at pag-aaruga, ramdam niya ang malamig na pagtrato at kawalan ng malasakit. 

Habang nakaupo siya sa terasa, pinapanood niya ang paglubog ng araw. Unti-unti niyang naunawaan ang reyalidad ng kanyang sitwasyon: ang takipsilim na kanyang pinagmamasdan ay sumasalamin sa unti-unting paglalaho ng kanyang halaga sa mundo ng kanyang pamilya. Napuno siya ng lungkot at pag-iisa, tanong sa kanyang sarili kung ito ba ang kapalit ng lahat ng sakripisyong ginawa niya para sa kanyang mga anak. 

Ang kwento ay isang masakit na paalala sa mambabasa tungkol sa madalas na nangyayaring kapabayaan sa mga matatanda sa lipunan. Ito’y nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbibigay ng pagmamahal at respeto sa ating mga magulang, lalo na sa kanilang pagtanda, bilang pasasalamat sa kanilang mga sakripisyo at pagmamahal noong tayo’y bata pa.

PAGSUSURI

 

I.               Uri

·       Kwento ng Tauhan

 

II.             Pamagat

·       Yumayapos ang Takipsilim

 

III.            Nilalaman 

a.    Tauhan

·       Lola – Matanda, mapag-isa, at may kahirapan sa pagtanda. Siya ang pangunahing tauhan na puno ng alaala at salimuot ng damdamin. 

·       Ramon – Panganay na anak, abala at tila alanganin sa pag-aalaga sa kanyang ina. 

·       Rey – Bunsong anak na may intensyong kunin ang ina ngunit tila hindi ganap ang malasakit.

·       Carmen – Asawa ni Ramon, may malamig na pakikitungo sa matanda. 

·       Lydia – Apo na malapit sa lola, nagpapakita ng kaunting kasiyahan at koneksyon sa kanya. 

·       Tinay – Utusan na nagbibigay ng gamot sa lola, isang tagapagmasid sa kalagayan nito.

 

b.    Tagpuan

·       Bahay nina Ramon at Carmen – Isang lugar na malamig hindi lamang sa temperatura, kundi sa pakikitungo sa matanda. 

·       Terasa – Kung saan nagtapos ang kwento, isang simbolikong lugar ng paghihiwalay ng lola sa kanyang pamilya.

 

c.    Galaw ng Pangyayari

d.    Pangunahing Pangyayari - Sa mga unang tagpo, makikita si Lydia, ang apo ng matanda, na dinala ang balita sa kanyang lola na maaaring lumipat ito sa bahay ni Rey, ang bunsong anak. Sa simpleng balitang iyon, napansin ni Lydia ang pagliwanag ng mukha ng kanyang lola ay tila nagkaroon ng kaunting pag-asa. Gayunpaman, sa kabila ng tuwa, mararamdaman ang agam-agam ng matanda. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya sa bagong tahanan.

e.    Pasidhi o Pataas na Pangyayari - Habang nag-uusap ang pamilya, sinimulan ni Ramon ang seryosong usapan ukol sa plano ng paglipat ng kanilang ina sa bahay ni Rey. Sa gitna ng usapan, makikita ang tila pagkabahala ng matanda, hindi siya nakikialam ngunit naririnig niya ang lahat. Sa bawat salitang binibitawan ni Ramon at Carmen, nararamdaman niya ang bigat ng kanilang pagpapasya. Ang bawat kataga ay tila isang paalala na hindi na siya bahagi ng buhay nila, kundi isang responsibilidad na kailangang ipasa sa iba.

f.      Karurukan o Kasukdulan - Dumating si Rey ngunit imbes na salubungin ang kanyang ina, nagkulong ito sa isang silid kasama ang kanyang kuya Ramon. Sa likod ng pinto, narinig ng matanda ang malamig na usapan ng kanyang mga anak, walang pagmamalasakit at puro reklamo. Habang naririnig niya ang usapan, tila bawat salita’y tumutusok sa kanyang puso. Hindi niya inakalang ganito siya magiging pabigat sa kanyang mga anak. Pilit niyang inalala ang mga panahong sila’y maliliit pa, kung kailan inialay niya ang lahat para sa kanila, ngunit ngayon, tila wala nang bakas ng pagmamahal o pasasalamat.

g.    Kakalasan o Pababang Aksyon - Pagkatapos ng mainit na diskusyon, bumalik si Ramon upang kausapin ang ina. Ngunit imbes na ipaliwanag ang kanilang plano, malamig ang naging tono nito. Sa mga titig ni Ramon, mababakas ang pangungutya at pagod. Ang matanda, sa kabila ng bigat ng loob, ay tahimik na umupo pabalik sa kanyang upuan. Alam niyang wala na siyang magagawa. Hindi niya kayang ipaglaban ang sarili sa harap ng sariling mga anak.

h.    Wakas - Sa huli, nakita si Tinay na nag-aabot ng tasa ng tsaa sa matanda. Habang hawak ang tasa, tila nawalan ng gana ang matanda. Sa kanyang isip, iniisip niya kung ito na ba ang huling takipsilim na kanyang masasaksihan. Umupo siya sa terrace, habang pinapanood ang dahan-dahang paglubog ng araw. Ang takipsilim ay yumayapos sa kanya at tila ba’y malamig, tahimik, at puno ng lungkot. Sa huli, wala siyang ibang nais kundi ang makaramdam ng init mula sa isang yakap, ngunit ang yakap na natanggap niya ay mula sa malamig na hangin ng dapithapon.

 

IV.           Taglay na Bisa

·       Bisang Pangkaisipan

Sa aking pagbabasa ng kwento, hindi ko naiwasang mag-isip at magtanong, "Ganito rin kaya ang magiging kwento ng buhay ko kapag ako'y tumanda?"Parang binibigyan ko ang kwento ng salamin upang makita ang repleksiyon ng lipunan, kung paano natin tratuhin ang ating mga magulang o nakatatanda. Nagtuturo ito sa atin na ang pagtanda ay isang proseso na hindi natin dapat takasan, ngunit kailangan din nating paghandaan ang emosyonal na aspeto nito. Kung hindi natin maibibigay ang pagmamahal at respeto sa ating mga magulang ngayon, paano natin ito maaasahan mula sa ating sariling mga anak? Iyan ang mga katanungang tumatak sa aking isipan patungkol sa aking nabasa at nagigay mensahe sa akin bilang isang apo ng aking lola.

·       Bisang Pangdamdamin

Ang kwento ay parang isang matagal na yakap, hindi masaya at maligaya, kundi masakit at mahigpit. Sa bawat linya ay dama ko ang kalungkutan ng matanda, na parang ak mismo ang nakararamdam ng malamig na trato ng kanyang pamilya. Mapapaisip ka rin kung paano ako tumugon sa mga nakatatanda sa akin buhay, kung napapansin ba natin ang kanilang pangungulila, o kung naging bahagi ka rin ba ng malamig na pagtrato sa kanila. Habang ito ay aking binabasa, mahirap pigilan ang mga luhang dahan-dahang bumabagsak, lalo na sa wakas ng kwento kung saan wala nang ibang natira sa matanda kundi ang lamig ng hangin at ang unti-unting pagbalot ng dilim.

·       Bisang Pangkaasalan

Pagkatapos kong basahin ang kwento ay hindi ko rin maiwasang tanungin ang aking sarili kung "Paano ko ba pinapahalagahan ang mga nakatatanda sa pamilya ko?" Mahirap tanggapin, ngunit minsan, kung sino pa ang pinakamahalaga sa ating mga buhay ay sila pa ang hindi natin nabibigyan ng sapat na atensyon, ang ating mga magulang, ang mga taong nag-alaga sa atin mula pagkabata. Ang kwento ay parang kurot sa puso na nagpapaalala sa atin na ang pagkalinga at pagmamahal ay hindi dapat magtapos dahil lamang sa pagtanda.

 

V.             Kamalayang Panlipunan

Ang kwento ito ay isang mapanlikhang komentaryo sa kultura ng pamilya at pananaw sa pagtanda. Ipinapakita nito ang kakulangan ng empatiya at pagkalinga ng mga anak sa kanilang mga magulang kapag sila’y matanda na. Ang malalamig na tinig ni Carmen, ang kawalang-pansin ni Rey, at ang paimbabaw na malasakit ni Ramon ay larawan ng lipunang nakatuon sa sarili.

 

VI.           Teoryang Pampanitikan

 

·       Teoryang Realismo - Ang kwento’y nagpapakita ng makatotohanang larawan ng kalagayan ng maraming matatanda sa lipunang Pilipino, kung saan, sila ay madalas na napapabayaan at nakararanas ng kawalan ng halaga mula sa sariling pamilya.

·       Teoryang Feminismo - Bagamat hindi direktang tumatalakay sa isyu ng kasarian, nagbibigay ang kwento ng pagninilay sa papel ng kababaihan bilang tagapag-alaga ng pamilya at ang kanilang makakalimutin sa kanilang pagtanda.

·       Teoryang Eksistensiyalismo - Binibigyang-diin ng kwento ang pakikibaka ng matanda sa paghahanap ng kahulugan sa kanyang buhay sa gitna ng malamig na pagtrato ng pamilya.

No comments:

Post a Comment

PASKONG WALANG SAYA